Isang Gabing Nawala Ang Mga Bituin sa Langit

Typhoon SisangMaaga kaming pinauwi mula sa aming eskuwelahan nang araw na iyon. Suspendido lahat ng klase mula elementarya hanggang kolehiyo.

Naririnig ko pa ang sunod-sunod na batingaw ng simbahan habang ako ay naglalakad pauwi , tanda na iyon ay nagbababala sa mga mamamayan na may inaasahang di magandang pangyayari.

Pinaalalahan din ng mga radyo ang lahat ng nakikinig sa namumuong sama ng panahon at sinasabing maaring maging pinakamalakas sa lahat ng mga nagdaang bagyo sa aming lalawigan sa taong iyon.

Ang lahat ay narinig ko, ngunit nasanay na rin ako sa madalas na pagdaan ng mga bagyo sa Bikol. Marami na rin akong naranasan ngunit kahit paano ay hindi pa talaga nagambala  ang aking pagtulog kahit gaano kalakas ang hanging humahagupit sa kalawakan.

Parang ang bagyo, para sa akin, ay naging bahagi na ng aming pamumuhay sa Bikol, malakas man o hindi. Sa awa ng Diyos, hindi pa naman kami nasasalanta nang gaano sa kabila na kami ay naninirahan sa isang liblib na baryo.

Ang pinakamasamang alaala ko lang yata, bago ang gabing darating, ay nung minsang nabulid ang isang punong niyog sa ibabaw ng aming bahay at hindi man lamang namin namalayan hanggang sa  kinabukasan.

Ang simula ng unos

Ngunit ang nakaumang na panganib nang gabing yaon ay hindi ko inaasahan. Nang makauwi ako sa bahay na aking tinitirhang mag-isa ay parang isang normal lamang na pangyayari-isang gabing malakas ang ulan at ang hangin.

Kaninang umaga lamang ay inihatid ako ni tatay sa bangkang de-motor mula sa aming baryo na tatawirin pa ang dagat nang halos isang oras.

Kinakailangan nyang umuwi kasi naiwan ang nanay ko at ang mga nakababatang kapatid  sa bahay namin sa baryo sa Magallanes na walang kasama.

Pangkaraniwan na sa akin ang  ganun, dahil ako ay nasanay mamuhay mag-isa habang nag-aaral, sa bahay namin sa bayan at ako ay inihahabilin na lamang ni nanay sa kanyang kapatid na halos katabi rin ng aming tinitirhan bagama’t nakahiwalay ako sa kanila.

Ang pagkakakaalam ko ay nakabiyahe na ang tatay pauwi sa amin sakay ng bangka, sa kabila ng sama ng panahon.

Nakakain na ako ng hapunan at nagsisimulang magbuklat ng mga aralin para sa susunod na araw. Ngunit nararamdaman kong lumalakas ang hangin nang higit sa pagkaraniwan at walang tigil ang buhos ng ulan.

May naririnig na rin akong mga boses sa labas at nang aking silipin sa bintana ay nakikita kong nagsimula nang magsilikas ang aming mga kapitbahay bitbit ang kung anu-anong mga kagamitan nila.

Bukas pa ang ilaw ng aking tiyahin at wala akong nararamdamang pagkilos mula sa kanila o anumang balakin na umalis sa aming mga tirahan. Kaya kahit paano ay naging panatag ang loob ko dahil alam kong hindi naman nila ako iiwan mag-isa kung saka-sakali.

Patuloy ang aking pag-aabang sa mga susunod na mangyayari .

Bumalik si Tatay

Hanggang sa biglang namatay ang ilaw, ang kuryente, kaya biglang nagdilim ang kapaligiran. Bigla akong nakaramdam ng takot at pangamba kung ano pa ang mga maaaring mangyari.

Doon ko lang namalayan na ang tubig dagat (malapit kasi kami sa dagat) pala ay unti-unti nang tumataas at umaakyat sa bahay.

Bigla akong napalabas ng bahay at doon ko nakita ang lakas ng mga hampas ng alon na umaabot na sa kabahayan, bagama’t sa karaniwan ay halos dalawandaang metro pa ang layo ng dalampasigan sa amin.

Nakarinig na ako ng mga boses. Tinatawag pala ako ng aking tiyahin at pinalilipat sa bahay nila na mas mataas kung ikukumpara sa aking tinitirhan.

Nang pumasok ako,  nakita ko silang naghahanda na ring magsilikas dahil nga tumataas na ang tubig. Unti-unti nang lumulubog ang kanilang buong kusina.

Nanatili na lang sila sa may taas ng kabahayan kung saan mas nakaangat ng konti kaya hindi pa inaabot ng tubig. Ang walong-taong gulang lang na pinsan kong babae ang kasama ng tiyahin ko at saka ang kapatid na babae ng aking tiyo.

Napagalaman ko na hindi pa rin pala nakakauwi ang aking tiyo na nadestino sa kabilang bayan, marahil ay dahil na rin sa bagyo. Napagpasiyahan naming lumikas na rin sa kabila ng patuloy na pagtaas ng tubig at paghagupit ng hangin sa labas.

Ngunit nang kami’y palabas na ng pinto, nakahandang makipagsapalaran sa mapanganib at madilim na gabi, bumulaga ang aking tatay! Basang-basa at halatang alalang-alala.

Napilitan din pala siyang bumalik pagdating sa kalagitnaan ng laot dahil sa sobrang laki at lakas ng mga alon, na kung pipilitin niyang tawirin ay maaring durugin ang bangka at tuluyan siyang lamunin ng dagat. Isang himala nga na maituturing na nakabalik pa rin siya nang ligtas at buo.

Itinali at itinago lang daw niya ang bangka at umaasang huwag itong tuluyang masalanta ng alon. Saka lamang niya napansin ang aming  mga hitsura na anyong paalis ng bahay.

Saan kayo pupunta? Mag-eevacuate kayo ngayon palang? Sana kaninang maaga pa! Hindi na tayo maaaring makalabas ng bahay. Lubha nang mataas at mabilis ang pag-akyat ng tubig!

Saka lamang namin napansing muli na inaaabot na pala ng tubig ang taas ng bahay ng tiyahin ko.

Ang pananalanta

Sobrang bilis nga, na halos ilang minuto lang kanina ay mga isang dangkal lamang ang taas sa kusina. Nang buksan nga namin ang pinto, bagamat madilim ang kapaligiran ay aninag namin ang rumaragasang tubig dala ang sari-saring mga bagay na sinuyod at hinakot mula sa mga dinaanan nito – mga kahoy, mga yero, mga hayop at iba’t-ibang kagamitan sa bahay.

Halos mangilan-ngilan na lang na mga bahay ang nakatayo, at karamihan ay wala nang bubong. Wala na ring akong nakitang poste ng kuryente.

Hala umakyat na lang tayo sa kabahayan at doon tayo manatili. Mas delikado pa kung susuungin natin ang dilim at panganib sa labas.Hindi natin kakayanin ang lakas ng ragasa ng dagat dahil sobrang malalim na ito. At saka medyo malayo rin mula dito ang eskuwelahan (kung saan binalak sana naming lumikas kanina)

Sunud-sunuran kaming apat sa utos ni tatay. Hangos kaming bumalik at umakyat sa taas ng bahay.

Takot na rin ang namamayani sa aking tiyahin dahil marahil sa kanyang maliit na anak at sa kanyang asawa na hindi nya rin alam ang nagyayari. Dun kami namalagi sa kuwarto ni tiya kung saan may katre.

Nawala ang mga bituin

Sama-samang sumampa sila sa katre habang ako ay naupo sa tagiliran nito, nakaramdam na rin ako ng takot sapagkat ngayon ko lang naranasan ito sa nakaraang labing-isang taon ng aking buhay.

sisang1

photo courtesy of dancer66.blogspot.com

Ang tatay ko naman ay umupo sa tabi ng bintana at panaka-naka ay sumisilip dito. Hawak-hawak niya ang isang flashlight na aandap andap ang liwanag.

Marahil ay sinusukat niya ang kasalukuyang pangyayari sa labas at ang kung ano pa mang nakaambang panganib na maaari naming suungin sa gabing iyon.

Nang muli niyang buksan ang bintana, nasilip ko ang langit sa itaas at wala akong makitang bituin, bagkos ay ang daluyong ng malakas na hangin na bagama’t hindi ko nakikita ay dinig na dinig at ramdam ko ang kapangyarihan ng pananalasa nito.

Lalo kaming sinigilahan ng takot.

Nakaambang kamatayan

Naramdaman kong sumasayaw ang katre at lumamig ang aking paanan. Ang tubig!

Nakaakyat na rin pala ito sa paanan ng katre nang hindi namin namalayan sa bilis! Biglang nagtayuan sila tiya sa katre nang makita ang tubig.

Bigla naman akong tinawag ni tatay at sinabing sumunod sa kanya. Lumabas kaming nagmamadali sa kusina. Halos lubog na sa tubig ang kabuuan nito.

Lulutang-lutang ang mesa, ang dining table, sa gitna dahil gawa ito sa kahoy na narra. Pilit na inabot ito nang tatay ko at nang mahawakan ay pinagtulungan naming inakyat sa kuwarto.

Hindi ko alam kung anong lakas ang nagdulot sa amin para makayang buhatin ito, na sa karaniwang pagkakataon, ay kailangan ang apat na tao. Ipinatong namin ang mesa sa ibabaw ng katre at doon muling naupo ang tiyahin ko, ang anak at ang hipag niyang babae.

Sabi ng tatay ay ipatong ang ilang gamit sa ibabaw ng katre , mga maleta, upuan at kung ano-ano pa upang pampabigat dito at upang huwag isayaw ng tubig. Umiiyak na rin ang tatlong babae.

Ako man ay pinipigilan ko na lang aking takot subalit hindi ko na rin sigurado kung malalampasan pa namin ang gabing ito.

Ang tiya ko, na umiiyak na kalong kalong ang kanyang anak na babae:

Kuya, huhuhu, ano ang gagawin natin? Baka tuluyan nang masira ang bahay at anurin tayong lahat! Ano ang gagawin natin, Kuya, huhuhu?

Bagama’t panatag pa rin ang boses ni tatay, ay hindi na rin nya alam ang magagawa pa namin. Nanatili siyang nakaupo sa may tapat ng bintana hawak ang kanyang flashlight. Sumagot siya habang nakatingin sa labas:

Wala na tayong magagawa sa ngayon. Maaring patuloy na lumakas pa ang bagyo o humina na ito ay hindi natin malalaman. Ang magagawa na lang natin ngayon  ay magdasal kayo sa ating Panginoon na antabayan tayo upang malampasan natin ang gabing ito.

Yun lang ang sinabi ni tatay at patuloy na nagmasid sa labas. Naulinigan kong namutawi ang mga impit na dasal ng tiya ko at hipag niya habang umiiyak. Ako naman ay palihim ding tumawag sa Diyos na sana ay umikot na ang hangin at humina na ito.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa murang isip ng aking kabataan, nagdasal ako ng pinakamataimtim.

Ang paghupa

Mahigit apat na oras na nilukob kami ng pangamba at panganib ng gabing iyon. Naririnig ko pa rin ang lakas ng hangin na wala pa yatang balak magpahinga. Nakatulugan ko na rin ang aking takot.

Alas-kuwatro nang umaga, ginising ako ng tatay. Narinig kong hindi na malakas ang hangin at wala na ring tubig sa aming paanan. Nagising na rin ang mga tiya ko at halatang nabuhayan na nang loob.

Nagpaalam ang tatay ko na kailangan niyang bumalik sa aming baryo upang tingnan naman ang naiwang nanay at kapatid ko doon.

Mahina na ang bagyo at ligtas na kayo dito. Uuwi na muna ako para makita kong ligtas naman ang mga nanay mo. Bahala ka na muna sa mga tiya mo!

sisang2

photo courtesy of baconsorsogon.blogspot.com

Hindi pa man sumisilip ang araw ay dagsa na ang tao sa lansangan, karamihan ay mula sa evacuation center.

Tumambad sa akin ang hindi maisalarawang pananalanta ng nakaraang unos- mga patay na hayop, mga gibang bahay, posteng nakahalik sa lupa, mga basura, dumi ng paligid at maputik ng lupa.

Kanya-kanyang hakot, linis  at ligpit ang mga tao. Dumating na rin ang aking tiyo na alalang alala sa kanyang mag-anak at laking pasalamat nang makitang ligtas kami lahat at nakatayo pa rin ang bahay.

Bumalik nga sila tatay at nanay para dalawin ako. Nalaman kong hindi naman sila gaanong tinamaan ng bagyo sa bundok.

Ang gabing iyon nang November 25, 1987, ay hindi ko kailanman makakalimutan na.

Ang gabing nanalanta ang bagyong Sisang sa bayan ng Sorsogon kung saan maraming buhay ang nawala at ari-arian ang nasira.

Ang gabi rin na minsang nawala ang mga bituin sa langit, subalit hindi ibig sabihin ay pinabayaan na kami ng Diyos.

Advertisements

2 thoughts on “Isang Gabing Nawala Ang Mga Bituin sa Langit

  1. Pingback: In Yolanda’s wake, memories of Filipino resiliency | Sorsogon City

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s